Search This Blog

Sunday, June 4, 2017

BENENO NG PAG-IBIG

BENENO NG PAG-IBIG
(Lason ng Pag-ibig)
Makamandag nga ba ang ngalang pag-ibig
Nakatutuliro kung nasok sa isip.
May hatid na kilig minsan ay pasakit.
Kapag sinuklian buo ang daigdig.
Minsan ang matuklaw parang nababaliw.
Wari'y nalalango ang kiming damdamin.
Hilo sa pagsinta, handang paalipin.
At nakalilimot sa sariling hinhin.
Ngunit kung pag-irog wagas at dalisay,
langit ang kapara ng bawat lambingan.
Panatag ang loob, walang alinlangan.
Ligaya ang hatid sa bawat suyuan.
Sa gitna ng sigwa patuloy manalig
kung tayo'y tatawag may senyal sa langit
MCRR 2017 (Peb. 15)
Larawan (google)

AKO'Y KATOLIKO, LALAGING GANITO

AKO'Y KATOLIKO, LALAGING GANITO

Sinong magsasabing siya'y isang banal?
Sino ang dakila't sino ang pasaway?
Sino ang pinili na totoo't tunay?
S'ya ba na ugaling mas hangal sa hangal?

Yaong pagmamahal sa Diyos na Ama;
Ay wag mong sukatin kung ano sa iba.
Hayaang ang langit ang siyang humusga.
Ikaw, siya't ako ay di magkapara.

Ang mahal na araw ating kinagisnan.
At pinuprusisyon, santo ay igalang.
At tulad ng ating mga minamahal;
Kapag namaalam tayo'y may larawan.

Ang paniniwala sadyang magkaiba.
At ang relihiyon tayo'y kanya-kanya.
Ikaw'y may pinili sa akin ay iba;
Hayaan ang puso kung saan masaya.

Sino kang nilalang na makasalanan.
Na umaatungal, huhusga sa tanan.
Dapat bang pakinggan o paniwalaan
Isang Iskarioteng s'yang hudas na lantay.

Ang banal na aklat mahirap limiin
Kapag hulo'y kulang kayhirap liripin.
May mga hiwaga di kayang sukatin.
Pag payak ang isip di abot ang lalim.

Ang Diyos na Ama laging mapagmahal.
Hindi mapag-imbot, laging maasahan
S'ya'y mapagpatawad at makatarungan,
Siya ang liwanag at katotohanan

Weeween Reyes 2017

Larawan: google

ARAW NG PAGKABUHAY AT BUHAY

Published by Weeween Reyes
Like This Page · April 16Edited 
 
ARAW NG PAGKABUHAY AT BUHAY

Ibig tumakas ng mga oras,
habang matuling nagpupumiglas
ang mapipisik na sandali.
Nasa'y matuldukan na
ang mahabang paghihintay,
nang matapos na ang mga haraya.
Hanggang sa magmaliw ang gabi.
Mahalaga ang bawat saglit.

Samatala, kagyat ay
nagkalansingan ang mga metal na bagay.
Nagdudumali.
Ngunit may paninigurado
ang bawat galaw.
Makapugtong-hininga.
Lubhang lubos na abala
ang mga kaluluwang naroon.
Mata sa mata.
Bawat kumpas ng kamay
kabisado ang iniaabot sa palad.
Mabibilis ang mga kilos
Tila nakikipag-unahan sa ritmo
ng tiktak ng orasan.

Kaalinsabay nito'y
may tila nukleo
na kumatawan sa katauhang
nakalatag sa higaan.
Umikot pabaliktad,
habang tila nag-aagawan ang mga tinig;
Buhay, patay, buhay, patay, BUHAY!

Sa labas ay mauulinigan
ang awit at dasal ng dumaraang madla.
At ang mga maliliit na ilaw
ay naglalaro sa gitna ng pusikit.
Hanggang magsimulang lumaya
ang liwanag sa dilim.
Kasabay ng kanilang pagkikita,
ng Ina at ng Anak.

Maririnig sa apat na sulok ng silid
ng pagamutan ang unang tinig ng sanggol.
At sa umagang kayganda,
namalisbis ang luha ng ina,
mga butil ng kagalakan,
nang masilayan ang kanyang panganay.

Weeween Reyes 2017
Photo: google

Saturday, June 3, 2017

MAKALUPANG PAG-IBIG

MAKALUPANG PAG-IBIG

Kayganda ng simula.
Dugo't pawis mo'y sinanla
Upang mabuhay ng may riwasa.
Tahanan mo'y nanagana.
Buong isip at kaluluwa
Inalay mong walang sala.
Ngunit nalula't nawalang halaga.
Pag-ibig ay parang hinipang bula.

Hinangad mo ang langit
Sa kandungang akala mo'y walang pait.
Ibig mo'y baguhin ang mga guhit
Nang sa palad mo'y tuluyang mawaglit
Ang mga alaalang nagdulot ng sakit
Nang kamusmusang hinanakit.
Nilisan mo rin ang disyertong mainit
Nanalig ka sa isang pag-ibig.

Datapwa't nabulag ka't nahibang
Di mo wari napagmasdan
Ang hangad na kalangitan
ay walang pusong laman.
Nabingi ka sa katotohanan.
Narinig mo'y tenga nama'y tinakpan.
kahit unti unting inaanay.
Ang damdaming sintigas ng bakal.

Nasaan ang liyag na binihisan
Iniwan kang isang hukluban?
Walang kayakap kapag gininaw,
Walang aabot ng tubig kapag inuhaw.
Walang matawag na pangalan,
Nag-iisa sa karimlan.
Paano na kaibigan?
Mag-isa ka sa paglubog ng araw?

litrato: galing sa google

May Akda:
Wee-ween Reyes

MULING TUTUNOG ANG AGUNYAS

MULING TUTUNOG ANG AGUNYAS
Hikbi nila't iyak nalikha'y hagulgol;
Habang hinigit mo ang huling hininga.
Ah, tapos na pala ang buhay na ukol.
At naglakbay akong may butil ng luha.
Nais kong hilahin pabalik ang oras
Noong may lakas pa't ngiti't katabilan.
Ang mga habiling di naipatupad
Ay dumadagundong nyaring kamalayan.
Nais kong lingunin ang mga nagdaan.
Noong ako'y lagi mo pang hinahanap;
Tuwina't malala ang 'yong karamdaman.
Nguni't di ko pala kaya ang magpanggap.
Tulad ni Mariang sa kanyang kandungan;
Si Jesus na anak, mundo ay nilisan.

"THERE'S NO PLACE LIKE HOME"

"THERE'S NO PLACE LIKE HOME"
I felt nostalgic when suddenly, I overheard my ninety-year old mother talking downstairs while I was on the 2nd floor of our old house fixing something. It drove me to a scene some 45 years when i was still in the high school... My mother's voice was enough to let me realize that I was an Odionganon. That I was born and grew up in that beautiful place, named Odiongan, which I almost abandoned after having a family of my own and resided in Manila.
Finally, Mother is home. A place where she and my father made their abode when their family became bigger. a place where most of our childhood memories where left. A place where love existed, where emotions of youth truly reflected, where young laughter and giggles were heard. Yes, she's home for good, after my brother Vicente's passing. She stayed in Hawaii with my father for almost 20 years and after the Lord recalled my father, she was with our beloved sibling Vicente in Olongapo for almost 6 years.
The few days that we've been together before I left my hometown showed a perfect manifestation of just how excited and contented my mother was to be home at long last, as she impatiently waited for her garden to be finished. While happiness could be seen in my sibling Celeste's face every time she did something. Unknowingly, she was constantly caught singing. While Jose Rizal's fondness of local food cooked by our sister Cecile, was answered. Only that I always hear him complain of the sluggishness of the internet service.
The first morning scenarios where realistically wonderful and my mother was so elated to be visited by her sister Ligaya, but her nephew Arnel came like an early bird. after which Lalain came next with goodies and food stuff. The following Day, another niece, Mary Jude sent lechon, while sister Ligaya has her "guinatang langka" and indian mangoes, followed by Mom's first cousin Alden. Next was an early dinner invitation at her niece Merna's and Mike's awesome place. But my mother just love how people around spoiled her.
My stay in Odiongan, Romblon for almost two weeks as an advance party was made easy because of my sister-in law Shahanie's hospitality, and who patiently cooked food for the whole team (the 4 carpenters, Jayra, Christine Rei and of course myself). A big thanks to her.) Thanks to my Aunt Nena and Uncle Elmer for bringing me fresh chicken . But Arnel came first upon my arrival with his famous, palatable bamboo shoot and fish. That really made my day! Also, a big thank you to a very good friend, cousin Zeny for some stuff and and my favorite "Aglipay bread" and for treating us at our classmate Svillana's Place (Harbour Chateau) and to Arthur who drove us around Odiongan, and to Mom's first cousin Dennis whom we caught at a glance at Harbour and later took picture with us. I would also want to thank Anne Therese for personally baking some cake for my mother. oh, it made her day, too. Am happy as well, dropping-by at good friend Jun's house. I also would like to acknowledge my niece Sheila Marie for accompanying my beautiful mother From Olongapo to Odiongan and unselfishly lent her hands for the left over chores. and my companion back to Manila.
Nevertheless, our home will always be the sweetest home for us. What ever circumstances there might be, there will come a time that we will crave to be back where we started. To look back to where we first see the light, where our first cries, were heard, where our first steps were made. Notwithstanding the chaos of bringing home all of our possessions...We simply say...that's life!
"It takes hands to build a house, but only hearts can build a home."
MCRR 2017 (May 13)

HILAW NA PAG-IBIG

"HILAW NA PAG-IBIG"

Naaalala mo pa ba?
Ang ganda ng ating simula.
Ang mga bituin sa langit,
halos maglumundag sa tuwa.
Gaya ng puso kong
sa bawat umaga'y mulaga,
sa mga pagsuyo mong
ubod ng pagpapahalaga.

Naaalala mo pa ba
ang bawat mong pangako?
Na ako lamang irog
ang tangi mong kasuyo.
Sa mga pagsubok
ay walang susuko.
Wala sa ating magbabago,
walang luhang tutulo.

Naaalala mo pa rin ba
ang salitang binitiwan?
Sa ating dapit-hapon
tayo'y magkahawak-kamay.
Upang hanggang katapusan
sa isa't isa'y di mawalay.
At hanggang sa langit
ikaw'y maghihintay.

Ngunit aking hirang
bakit ngayo'y namighati.
Itong aking mata'y
mugto't walang ngiti.
Tila ang mga kwerdas
ng lumang kudyapi.
Bigla ay nangagputol
Wari'y nangagbigti.

Atin nang wakasan
ang ating sumpaan.
Pagkat ating mundo'y
magkaiba ang kulay.
Kung saan ka man dalhin
ng puso mong hangal.
Ako na ang bahala
sa aking paglalakbay.

Ang tunay na pag-ibig
ay dalisay at wagas.
Hindi mapag-imbot.
Hindi mapagpanggap.
Hindi lilo't bulaan,
kundi tunay at tapat.
Ang pagsintang busilak
may tamis na sangkap.

MCRR 2017
Larawan (google)

TAMPISAW

TAMPISAW

Tulad mo'y 
isang talang kaytayog.
May ningning na humihigop
sa aking kamalayan.
May kislap, pinapangarap.
Ngunit mababa pala ang langit.
Unti-unti'y naabot ko
ang 'yong liwanag.
Nahawakan ng aking mga kamay.
Nagsalo tayo sa magdamag.
Hanggang sa ikaw'y
naging alipin ng pag-ibig.
At ang aking bawat nais
nasa aking palad.
Ako'y naging tila ikaw,
may tasa, may halaga.

Marahil nahibang tayo't
matagal nahimbing,
upang mamulat sa mga ulaot
at matutulis na pangil.
Habang nakatitig
ang mga matang lisik
at naghihimagsik
at ang mga hiningang
tila nagbubuga ng apoy sa init,
handang tumunaw sa hinahon,
hanggang ating pakpak ay
tuluyang mabali at bumagsak.
Sa gitna ng ngapngap....
May mga inakay at inahin.
Handang sumibasib.

MCRR 2016 (Nob. 25)
Photo from google

INA

"INA"
Ngunit ba nagluwal, tunay ka ng ina?
Dakila ka rin ba sa harap ng Ama?
Kung ika'y pabaya't walang disiplina.
Anong itatawag sa iyong kagaya?
Ilan nga bang ina ang may pusong wagas.
At handang magtiis, at handang maglingap.
Sa bawat pag-ingit may init ang yakap.
At handang idulot ang sariling gatas.
Paano nga kaya maging isang nanay?
Kapag ba oras mo'y iyong inialay?
At sa bawat gabi'y puyat ang puhunan.
Kapagka umihi antok ang kalaban.
Nabibilang mo ba luha mong pumatak?
Kung may dinaramdam dibdib mong mawasak.
Laging tanging hiling sa iyo'y ilipat.
At handang akuin tanang paghihirap.
Ngunit ano pa man ang kanilang uri.
Sila ay nagtiis sa dusa't pighati.
Mula sa pag-ire kahit pag-aglahi.
Laging naririyan sa ating paghikbi.
Ating mga ina'y tunay ngang dakila.
At sa bawat unos handang kumalinga.
Mga pagdurusa ay di alintana.
Gabi'y naging araw at mata'y mulaga.
Kaya araw-araw ay pahalagahan
Ang inang nagbata sa sinapupunan
Sa siyam na buwan ta'y dala sa tiyan
Kung sila'y tumanda mahali't igalang.
Ang aking pagbati sa araw ng mga Nanay.....
Una sa aking magandang Nanay ....
at sa lahat ng Nanay sa sangdaigdigan


KARAGATAN AT PAG-IBIG

KARAGATAN AT PAG-IBIG
Mamarapatin kong maging isang buwan.
Payapa't may ngiti kapag kabilugan.
Katulad nang ningning nitong haring araw,
Nais ko'y tahimik masaya't dalisay.
Kahit itong ibon na lilipad-ipad,
Kay layo ng sanga sa lapad ng dagat.
Ngunit ba't kay lugod init ma'y natambad,
Ang t'yaga at sipag walang kasintulad.
At ang karagatang walang katapusan,
Kapagka tahimik kay sarap pagmasdan.
Ngunit sa daluyong ay kahambal-hambal,
Katulad kung sinta'y lumisang tuluyan.
Tunay na pag-ibig parang karagatan,
Di kayang sukatin lalim at hangganan!
Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

HARAYA NG TULA

HARAYA NG TULA
Muni ko'y kay ganda ng ating daigdig.
At may bahag-hari na kaibig-ibig.
Gusto ko'y maawat ang poot sa dibdib,
At baka maibsan ang pusong may ngitngit.
Kapagka pag-ibig lagi ang mutawi,
Sa mundong may galit hinuhod ang tangi.
Kahit Dios mabingi sa ating pighati,
Pauli-ulit tang awa ay ihingi.
Kapain ang puso, damhin ang pagsinta.
'Wag hayaang muhi lumukob sa saya.
Kung sandaigdigan laging nakatawa,
Bawat nating mulat apaw ang pag-asa.
Kay ganda ng buhay puno ng pag-ibig,
Halina't samyuin ang hanging malinis.
Ang ating hiningang hamog ang syang wangis,
Sa ating paghikab gintong panaginip.
Samahan mo ako sa aking pagtulog,
Tuwa ang kasiping, hinahon ang kumot.
Ngiti'y aking unan sa ligaya't lungkot,
Lilipas ang gabing takot ang bangungot.
Wag gawing dambana ng inis at galit,
Tulang ating gamit sa lungkot at hapis.
Sa tuwa't pagsinta kung ating masambit
Ay ating karamay kapag may hinagpis.
Kapag sumingasing ang lapis at papel,
Di dapat sa poema ang hasik ng lagim.
Subukan mong dalhin ang bawat hinaing,
Sa tamang kandungan doon ay ihimpil.
Pagkat ang tulain may pusong dakila,
Puno ng pag-asa at pag-aadhika.
Puspos kaluguran, pagliyag at awa,
Lunas sa nasaktan, habag sa dinusta.

BAKAS MO'Y BALIKAN

BAKAS MO'Y BALIKAN
(APO, INA, IMPO)
I (IMPO-APO)
"Andeng!", tunog kulog na tawag ng impo
sa apong may edad na lima't nakupo,
kaysipag na bata't di halos huminto.
Sa bait at galang, laging "po at opo".
II (IMPO)
Mukhang dalidali't agad s'yang gumayak,
huhuli ng bigas't komida at gatas.
Litanya'y salukan ang tapayang apat,
sahig ay bunutin, kinising makintab.
III (APO)
"Tatandaan ko po", ang pakling matuwid.
"Hamo't sa pagbalik yari ng umigib.
Tuloy manalamin sa kinang ng sahig"
an'ya nitong busog, sa sungit at haplit.
IV (IMPO)
Isang impong hukot, magmula'y naglinang,
na sa kanyang hagap ay may pusong bakal.
Disiplinang tila kidlat ang tamaan,
bangis ng hagupit, may latay ang hataw.
V (IMPO)
Anupanga't nibis sa bayang kalapit.
Gisi-gisi't kupas ang suot na damit.
May portamonedang kayhambog na kipkip,
hamak mang kayluma sa laman ay hitik.
VI (IMPO)
Lingid na malihim ang palad na kuyom,
sa katas ng kopra panaho'y tumuloy.
Ang ugat at bunga ng tanim, at dahon,
ay baryang nasinop, sambangang naipon.
VII (APO)
Bumabangong galit tinago sa dibdib.
Bibig laging tikom at dila ay umid.
Agad tatalima imbes na umidlip,
nalikhang daigdig, mundo na kaylupit.
VIII (APO)
Nais ma'y di ibig mangarap ang pahat,
timyas ng paligid ay luksang nahantad.
Hangad na paggiliw, pagsinta ay salat,
tanging pagdaramdam ang gapok na lunas.
IX (APO)
Nilunod ang gabi sa lamyos ng tunog,
ng kudyaping wari'y luma na at paos.
Upang ang hinagpis sa gitna ng lungkot,
sa naglilong ilaw di madamang lubos.
X (INA)
Tuluyang tumakas sa kasiphayuan,
tiwalang Maynila'y ginituang lunan.
Sa mga dagitab at rangyang mamasdan,
paraisong hanap, wari'y abot-tanaw.
XI (APO)
At ang mga bakas pilit tinalunton,
ng matang niningas sa poot at apoy.
Sa abot ng isip galit ang humatol.
Lumatag ang dusa, muhi ay umahon.
XII (INA)
Subalit nasadlak, napadpad sa kasa,
sa sikat na lugar, pamosong Ermita.
Ang akalang yaman, mukha ng pag-asa
ay mabahong banlik, animo'y basura.
XIII (APO)
Kahima't bituin ang s'yang kaulayaw
ng litong kalul'wa't malay-taong pagal,
sa oras ng lumbay luha ang sumbungan.
Kumot n'ya ay lamig sa gabing maginaw.
XIV (APO)
Ang dantay na payak sana'y gusto't nais
ng hapong katawan at hagok na isip.
Balasik na utos, pising di mapatid,
apisyon ng impo, ay kurot sa singit.
XV (APO)
At ang alaala ng amang pumanaw
ang s'yang hikbing nasok sa kahinahunan.
Upang disinsana'y may suhay at tibay,
ang tahanang salat sa alab at gabay.
XVI (APO)
Halos magkumahog ang buwan at taon,
at pito'y nadagdag, gulang nya'y umusbong.
Simbilis lumikwad ang noon ay ngayon,
pait ng hinaing, sa puso'y lumason.
XVII (IMPO)
Ang lola'y tinuos ang buhay na hiram,
langit ay kumaway ng paa'y pumantay.
Dap'wat ang pagsuko'y sa Kanyang kandungan.
Dinig ang agunyas, oras ng paglisan.
XVIII (APO)
Ang kumpas ng hangin mistulang may unos.
Ang dungong karimlan dinumog ng takot.
Sa timik at lumbay may nguyngoy ang tulog,
at bawat pagpikit tugon ay bangungot.
XIX (APO)
Munti niyang palad, dinaop, nagdasal,
at Banal na Aklat ay kagyat namasdan.
Ang tanging namana't sa dusa'y karamay,
kapag di payapa't diwa'y salimbayan.
XX (INA)
May taynga ang langit sa usal ng lupa.
Dinala ng hamog sa inang mumutya,
sa sinapupunang kung saan nagmula.
At s'ya'y nanambitan, nanangis, lumuha.
XXI (INA)
Oh Diyos na Ama ng langit at tanan,
ang Iyong alipin, na minsa'y naligaw.
Kunting awa't habag, nawa'y bahaginan,
Muli'y sa yakap ko, bunso ay humimlay.
XXII (INA)
Abang makalupa, sa yo'y lumuluhod,
at nagpapahabag, ngayo'y kumakatok.
Maawaing Ama, sa Yo'y lumuluhog,
at nananalanging lubos at mataos.
XXIII (INA)
Kakambal ay tangis nitong gabing niig.
Sa bawat pagtawag, kahunta ay langit.
At ang mga kabog at busa ng dibdib,
may munting liwanag bawat pagkainip.
XXIV (INA)
Pagdaka'y tinahak ang layak na landas.
Daa'y di makita't luha'y di maampat.
Habang mga butil ay lumalagaslas,
humihikbing ulap kasabay pumatak.
XXV (APO-INA)
Sa dako pa roon, aninag ang mukha
ng mahal na anak sa dilim niluwa.
Ang nagsilbing tanglaw anag-ag ng tala,
ang iniwang pugad marusing at dusta.
XXVI
Pagsisisi'y kapos sa inang lumayag,
ang pithaya't hangad, taghoy na kaylakas,
Ang laksang himutok ay hibik ng tawad.
Ngayo'y magkayakap, luha'y may halakhak.
XXVII (APO)
"O mahal na inang nagsilang, nagluwal
Alab ng pagliyag ay salat at kulang.
Samo't tanging hanap, yapos ng magulang
Salat man sa yaman, uhaw ay maparam."
XXVIII (APO)
"Haplos ng kamay mo'y sintamis ng halik,
ang higpit at init ng dibdib at bisig.
Bukas ng labi ko'y luwalhating hatid,
ang tanging ligaya, "Inay" ay masambit."
XXIX (APO-INA)
Balasik ang hagkis ng luha't panangis.
Nalaman na't batid, hininga'y hinigit.
Salaping iniwan pala'y labis-labis,
ngunit ang Bibliya'y higit sa mas higit!
XXX (APO-INA)
Mukat mo'y ulinig ang mga palahaw,
ng imbi't palalong tangis na umapaw.
Ang sumpang pangako'y di na mawawalay
sa hamak na labi'y may ngiting sumilay!
Wee-ween Reyes 2017
Litrato: Google