Search This Blog

Saturday, June 3, 2017

HILAW NA PAG-IBIG

"HILAW NA PAG-IBIG"

Naaalala mo pa ba?
Ang ganda ng ating simula.
Ang mga bituin sa langit,
halos maglumundag sa tuwa.
Gaya ng puso kong
sa bawat umaga'y mulaga,
sa mga pagsuyo mong
ubod ng pagpapahalaga.

Naaalala mo pa ba
ang bawat mong pangako?
Na ako lamang irog
ang tangi mong kasuyo.
Sa mga pagsubok
ay walang susuko.
Wala sa ating magbabago,
walang luhang tutulo.

Naaalala mo pa rin ba
ang salitang binitiwan?
Sa ating dapit-hapon
tayo'y magkahawak-kamay.
Upang hanggang katapusan
sa isa't isa'y di mawalay.
At hanggang sa langit
ikaw'y maghihintay.

Ngunit aking hirang
bakit ngayo'y namighati.
Itong aking mata'y
mugto't walang ngiti.
Tila ang mga kwerdas
ng lumang kudyapi.
Bigla ay nangagputol
Wari'y nangagbigti.

Atin nang wakasan
ang ating sumpaan.
Pagkat ating mundo'y
magkaiba ang kulay.
Kung saan ka man dalhin
ng puso mong hangal.
Ako na ang bahala
sa aking paglalakbay.

Ang tunay na pag-ibig
ay dalisay at wagas.
Hindi mapag-imbot.
Hindi mapagpanggap.
Hindi lilo't bulaan,
kundi tunay at tapat.
Ang pagsintang busilak
may tamis na sangkap.

MCRR 2017
Larawan (google)

No comments:

Post a Comment